Mariing kinokondena ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang ginawang seksuwal na pang-aabuso sa apat na guro sa elementarya mula sa Ocampo, Camarines Sur, na naghahanda para sa darating na School Year 2022-2023, na nakatakdang magbukas sa Agosto 22.
Tinutuligsa namin ang anomang uri ng karahasan at kawalang katarungan sa ating mga guro na nagpapakita ng kanilang dedikasyon at pagsisikap na maghatid ng patas, matatag, inklusibo, at dekalidad na edukasyon sa ating mga mag-aaral.
Inatasan na ng Kagawaran ang kinauukulang field office na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matulungan sila sa kabuoan ng imbestigasyon. Magbibigay ang Kagawaran ng kinakailangang tulong sa mga biktima, kabilang ang tulong pinansiyal at psychosocial intervention.
Inaasahan namin mula sa lokal na awtoridad sa Camarines Sur ang pagsasagawa ng mabilis na imbestigasyon at bigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima. Nananawagan din kami sa ating mga katuwang na ahensya bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng paaralan, lalo na ang Philippine National Police (PNP), na protektahan ang kapakanan ng ating mga guro, mag-aaral, at magulang sa loob at labas ng ating mga paaralan.
Bukod pa rito, kasalukuyang binubuo ng Kagawaran ang isang Joint Memorandum Circular kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG) at ang Department of Budget and Management (DBM) upang bigyang-diin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) upang kumuha ng hindi bababa sa isang security personnel sa bawat paaralan at para sa pagkukumpuni at pagtatayo ng mga gusaling pampaaralan.
Pagbabawalan din ng nasabing issuance ang paggamit ng mga eskuwelahan bilang mga isolation facility, quarantine facility, at long-term evacuation centers para malimitahan ang paggamit ng ating mga pasilidad at silid-aralan sa eskuwelahan sa ating mga mag-aaral at school personnel.
Patuloy ang pagsisikap ng Kagawaran ng Edukasyon na gawing ligtas na lugar ang ating mga paaralan para sa mga magulang at mga guro.