Libreng gadyet repair with care ngayong National Teachers Month

Posted in News
September 29, 2022

Sa pagdiriwang ng National Teachers Month (NTM), kaliwa’t kanan ang serbisyo at discounts na natatanggap ng ating mga guro mula sa iba’t ibang stores bilang pasasalamat. Isa sa bumibida ngayon ang natatanging regalo na handog ni Teacher Lawrence Aduca, kilala bilang “Teacher Ducs,” sa pamamagitan ng kanyang Project AduCares.

Ang Project AduCares, mula sa kanyang apelyido at salitang “cares” o pagmamalasakit, ay isang libre at boluntaryong serbisyo para kumpunihin ang mga pumapalyang personal laptops at desktop computers ng mga guro at mag-aaral sa City Schools Division of Tacurong, Tacurong City. Kabilang din ang mga gurong nasa pribadong paaralan sa kanyang binibigyan ng libreng serbisyo.

Batid ni Techer Ducs, isang guro sa TLE-ICT, ang kahalagahan ng gadgets sa paghahatid ng pang-araw-araw na leksyon at paggawa ng iba pang paperworks kung kaya’t gumawa siya ng paraan para makatulong at makapagbigay ng serbisyong teknikal ng walang kabayaran. “Kadalasan ay ako ang tinatakbuhan ng mga kapwa ko guro at maging mga estudyante kapag sila ay nagkakaproblema sa kanilang gadyets dahil sa expertise ko dito,” sambit ni Teacher Ducs.

Matapos mai-post sa Facebook ang inisyatibo, daang-daang mga guro at mag-aaral ang nag-avail ng serbisyong ito. Kaya naman boluntaryo na ring tumulong ang ibang ICT teachers ng paaralan para mas mapabilis at mas marami pa ang mahatiran ng serbisyo.

Kabilang din sa inisyatiba ni Teacher Ducs ang pag-install ng computer applications na maaring makatulong sa interaktibong pagtuturo ng mga guro gamit ang Open Education Resources (OER).

Naglalaan rin siya ng oras upang makapagbigay ng technical assistance sa mga gurong nasa malalayong lugar. Nagsasagawa si Teacher Ducs ng virtual consultation sa pamamagitan ng e-message or video call upang makapagbigay ng kaukulang diagnosis sa isang particular na computer problem/error at kung ano ang gagawin at kung paano ito aayusin.

Patunay ang mga serbisyong ito na hindi lamang pundasyon ang mga guro sa paghahatid ng kaalaman, kung hindi inspirasyon din sa lahat ng mga kabataan sa pagkakawanggawa at pagmamalasakit sa kapwa. “Kung may pagkakataon tayo na makatulong sa iba ay huwag tayong mag-atubili na gawin ito, maliit na bagay man o malaki ito, para balang araw sila naman ang gagawa nito sa kanilang kapwa,” pagtatapos ni Teacher Ducs.

Share this article

Leave a Reply

Your email address will not be published.