Bilang bahagi ng 2022 National Literacy Awards, binisita ng Literacy Coordinating Council (LCC) sa pamamagitan ng NLA Board of Judges for Special Awards of Excellence in Literacy (SAEL) category ang SULADS Philippines sa Valencia City, Bukidnon noong Hunyo 13-17, 2022.
Mula sa wikang Manobo na “sulad” na nangangahulugang kapatid, ang SULADS Philippines ay isang non-government at nonprofit charitable educational institution na nakatuon sa mga “unreached” Indigenous people sa bansa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng libreng health care, edukasyon, agrikultura, at mga proyektong pangkabuhayan, kasama ang iba pang serbisyo. Kabilang sa mga programang ipinatutupad ng organisasyon ang SULADS Deaf Literacy Center at SULADS Comprehensive High School para sa mga Lumad.
Sa pangunguna ni Ptr. Ephraim Pitogo, Direktor ng SULADS, katuwang ang DepEd Regional Office X at Malaybalay City Schools Division Office, iprinisinta ng organisasyon ang kanilang literacy programs sa LCC validation team sa isang kumperensiya kung saan nagbahagi ng kanilang mga testimonya at karanasan ang mga organizers, implementors, partners, at mga benepisyaryo kabilang ang mga deaf learners at Indigenous Peoples (IPs) learners. Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga piling DepEd focal persons mula sa Region X, mga opisyales ng SULADS at volunteers na aktibong nakilahok sa talakayan sa ginanap na Open Forum.
Bukod naman sa opening conference, nagsagawa rin ang validation team ng ocular visit sa ilang lugar kung saan ipinatutupad ang mga literary program ng SULADS tulad ng SULADS Deaf Literacy Center na matatagpuan sa Malaybalay City at SULADS Comprehensive High School para sa mga Lumad sa Lumintao, Sto. Domingo.
Kabilang sa Board of Judges para sa SAEL category ng NLA si Ms. Susan M. Carandang ng National Economic Development Authority, kasama sina Mr. Addie Unsi ng The Asia Foundation, at Atty. Katryn Cadiente mula sa opisina ni Senator Sherwin T. Gatchalian. Sinamahan ang BOJ members ng LCC Secretariat (LCCS) staff na binubuo nina Mr. Enrico Mendoza, Ms. Czarina Abellonar at Ms. Jem Beryline Bualat.
Lubos naman na nagpapasalamat ang LCCS sa SULADS Philippines sa pamamagitan ni Ptr. Pitogo at kanyang grupo, ang DepEd RO X, IP communities, partners, at iba pang indibidwal na aktibong nakibahagi at tumulong sa validation team.
Nakatakdang ianunsyo ang pinal na listahan ng NLA winners, sa SAEL at regular na NLA Search, sa idaraos na 2022 NLA Awarding Ceremonies. Iaanunsiyo ang pinal na detalye ng programa sa official website ng LCC sa https://lcc.deped.gov.ph at Facebook page sa https://facebook.com/LiteracyCoordinatingCouncil.