“Hindi pala malilimitahan lang sa pagsasalita ang komunikasyon, nariyan ang sign language, isang buháy na wika gaya ng mga spoken language na alam natin, may katangi-tanging sistema at estruktura.”
Hindi natapos sa pagiging guro ang bokasyon ni Teacher Jamil Q. Carvajal, bagkus, mas ninais niyang mapalawak ang kaniyang kakayahan na makapaghatid ng kaalaman, at makapagtawid ng mga mensahe sa komunidad ng mga bingi sa pamamagitan ng pag-aaral ng Filipino Sign Language (FSL).
Malaki ang paniniwala niya na hindi dapat napag-iiwanan ang sinoman sa pag-access sa impormasyon, kaya nararapat na may magtawid ng mensahe sa deaf community sa pamamagitan ng pagkatuto ng FSL at pagkakaroon ng sign language interpreters, ito man ay sa araw-araw na pamumuhay o kahit sa larangan ng pelikula.
Kaya naman upang maipahatid ang karapatan ng mga bingi, nakiisa si Teacher Jam sa pelikulang “Bakit ‘Di Mo Sabihin?” na entry sa Cinemalaya 18 Philippine Independent Film Festival 2022, na tumatalakay sa hamon ng pamilyang may deaf member. Layon ng pelikula ang representasyon ng deaf community at malaman ng mga manood na gaya ng set-up ng pamilyang nakaririnig, kayang magkaunawaan ng pamilyang may deaf member sa pamamagitan ng Filipino Sign Language.
Si Teacher Jam ay patunay na ang mga guro ay may hindi matatawarang dedikasyon sa pagtuturo, sa mga mag-aaral man o bingi. At higit sa kaniyang pagboboluntaryo sa komunidad, ang kaniyang paglahok sa larangan ng pelikula ay isa ring magandang paraan upang ipakilala ang pagkakakilanlan ng mga bingi, ang Filipino Sign Language.
“Aralin ninyo ang Filipino Sign Language! Isang unique at biswal na wika ang FSL. Dito ninyo matutuklasang hindi lang ang dila, bibig, at tenga ang maaaring gamitin sa komunikasyon,” ani Teacher Jam.