Palalakasin ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng National Government ang komprehensibong paghahanda para sa darating na taong panuruan sa pamamagitan ng paglulunsad 2022 Oplan Balik Eskwela (OBE) said Lunes sa susunod na linggo.
“Gusto lamang po naming i-anunsiyo na sa August 15, 2022, ilulunsad na po natin ‘yong ating Oplan Balik Eskwela Command Center. Dito po gaganapin ‘yan sa Bulwagan [ng Karunungan] kung saan nandoon po ‘yong iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na tutulong sa atin [sa paghahanda natin for school opening],” ani DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa.
Nakuha ng Kagawaran ang commitment ng 17 katuwang na ahensiya sa pagtiyak ng kalusugan, kapayapaan at kaayusan, kaligtasan, transportasyon, komunikasyon, at mahahalagang serbisyo na ibibigay sa mga guro at mga mag-aaral sa buong Taong Panuruan 2022-2023.
Noong nakaraang Hulyo 29, nakipagpulong ang DepEd kasama ang mga miyembro ng OBE Inter-Agency Convergence, kabilang ang DOH, DSWD, DND, PNP, DPWH, PAGASA, NDRRMC, DOTr, MMDA, DILG, OPS, NTC, DOE, DICT, DTI, MERALCO, at MWSS upang talakayin ang mga tulong na maibibigay sa mga eskuwelahan sa pagbubukas ng klase.
Bukod pa rito, pormal nang sisimulan ng ahensiya ang operasyon ng Public Assistance Command Center (PACC) sa Central Office na tatanggap sa mga alalahanin, reklamo, at mga kahilingan ng education stakeholders kaugnay ng enrollment at iba pang mga paghahanda para sa pagbubukas ng mga eskuwelahan.
Itinalaga rin ang PACC sa pagbabahagi at pagbibigay-linaw ng mga polisiya, programa, proyekto, at proseso, partikular sa mga bagay na may kaugnayan sa pagbubukas ng klase, at wastong pagtukoy ng at pakikipag-ugnayan ng DepEd sa mga alalahanin kasama ang mga kaugnay na tanggapan para sa nararapat na aksiyon.
Nabanggit din ng Department Memorandum No. 63, series of 2022, na dapat magtayo ang regional and schools division office ng kani-kanilang command center sa pamamagitan ng kanilang Public Affairs Unit.
Maaaring iparating ng mga guro, mag-aaral, at magulang ang kanilang mga alalahanin via Hotlines, Emails, Text Messaging Service, Social Media, at Letters and Endorsements para sa nararapat na aksiyon.
“Alam po natin that the opening of classes will not be without challenges. That is why we are hoping na magtulong-tulong po tayo dito, kasama ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno,” banggit ni Atty. Poa.
Pangungunahan ang OBE ngayong taon nina Pangalawang Kalihim at Chief of Staff Epimaco Densing III at Pangalawang Kalihim sa Governance and Field Operations Atty. Revsee Escobedo bilang co-chairs, at Public Affairs Service Director Atty. Poa bilang vice-chair.
Batay sa datos hanggang nitong Agosto 12, 2022 (7:00 AM), nakapagtala na ang DepEd ng 19,819,047 enrollees para sa SY 2022-2023 na 71.91% ng enrollment data ng nakaraang taon.