Nagpulong ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at ang 17 katuwang na ahensya nitong Lunes para sa paglulunsad ng Oplan Balik Eskwela 2022 (OBE) at maglahad ng mga kasalukuyang update, tulong, at paghahanda para sa nalalapit na pagbubukas ng School Year 2022-2023 sa Agosto 22.
“Thank you to our partners from other national government agencies and instrumentalities of the government, thank you for your support of the efforts of the Department of Education in opening in-person classes nationwide in August 2022,” pagbati ni Vice President at DepEd Secretary Sara Z. Duterte.
May temang “Kapit-bisig para sa ligtas na balik-aral,” pinangunahan ng DepEd ang OBE 2022 kasama ang suporta mula sa DOE, DILG, DOH, DND, DPWH, DSWD, DTI, DOTr, DICT, MERALCO, MWSS, MMDA, PAGASA , PNP, NDRRMC, NTC, at OPS, na bumubuo ng OBE Inter-Agency Convergence.
“Seventeen of you are present this morning, at ang gusto lamang naming sabihin ay napakaimportante na maramdaman ng ating mga kababayan, maramdaman ng mga estudyante, maramdaman ng ating mga magulang, maramdaman ng ating mga guro, at maramdaman ng ating publiko na ginagawa natin ito para sa bata, para sa bayan, at para sa tunay na pagbabago,” pahayag ni Pangalawang Kalihim at Chief of Staff, at OBE co-chairperson Epimaco Densing sa kanyang mensahe.
Sa presentasyon ng mga ahensya, ipinahayag ni Dr. Alfonso Miguel Regala ng Department of Health (DOH), Health Promotion Bureau, ang kanilang pangako na magbigay ng proteksyon sa mga mag-aaral at guro sa pamamagitan ng vaccination drives at pag-update ng routine immunization.
Samantala, ipinahayag naman ng Department of Transportation (DOTr), sa representasyon ni Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, na ang mga public utility vehicles (PUVs), traffic officers, at libreng sakay sa mga mag-aaral ay magiging available. Nauna nang sinabi ng DOTr na ang kanilang Libreng Sakay program ay magpapatuloy upang maglingkod sa mga mag-aaral na lalahok sa in-person classes.
Sabay ring inilunsad ang OBE Public Assistance Command Center (OBE-PACC) kasabay ng programa. Pamamahalaan ng PACC ang agarang virtual assistance sa publiko sa pagsagot sa mga katanungan, alalahanin, reklamo, at paglilinaw tungkol sa pagbubukas ng paaralan.
“Ngayong araw din po, inilulunsad natin ang ating Oplan Balik Eskwela Command Center. Ang layunin po nito at para mapadali ang pagbibigay satin ng mga concerns, mga issues on the ground para matugunan agad ng Department of Education. The Department cannot do it alone. They always say it takes a village to raise a child, let’s be that village. Kapit-bisig tayo para sa bata, para sa kinabukasan ng bayan,” saad ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga stakeholder sa PACC sa pamamagitan ng mga hotlines nito (8638-1663, 8633-1942, 8638-7530, 8638-7531, 8635-9817, 8634-0222, 8638-8641); tumawag at mag-text sa 0919-456-0027 para sa Smart at 0995-921-8461 para sa Globe; sa pamamagitan ng email sa [email protected]; at mga mensahe sa Facebook sa DepEd Philippines.
“With the launch of the OBE, despite the COVID-19 pandemic and other challenges that have come our way, we are confident and assert that our success here will only be replicated in our next endeavors,” mensahe ni Pangalawang Kalihim for Governance and Field Operations, at OBE co-chairperson Atty. Revsee Escobedo.