Cuyo Palawan, natatangi sa pagsusulong ng Literacy Program

Posted in News
August 3, 2022

Sa patuloy na pagsisikap na maisulong ang literacy, nakamit ng bayan ng Cuyo sa Palawan ang nominasyon para sa 2022 National Literacy Award para sa kategoryang sa Special Award of Excellence in Literacy (SAEL) na pinangungunahan ng Literacy Coordinating Council.

Cuyo Palawan Ecotourism Destination

Sa isinagawang validation ng Board of Judges, iprinisinta ng munisipalidad ng Cuyo ang kanilang mga literacy program na nagbigay daan sa pagbuo ng kanilang bisyon para sa 2030, ang kilalanin ang bayan ng Cuyo bilang isang ecotourism destination sa Palawan, habang isinasabuhay ang God-fearing, resilient, culture-loving at empowered na mga mamamayan na namumuhay sa isang payapa at matatag na kapaligiran sa isang makulay at progresibong ekonomiya, kasama ang kapaki-pakinabang at ligtas na mga pasilidad na pinamamahalaan ng bukas at dinamikong mga lider.

Hangad ng bayan ng Cuyo na maabot ang bisyon na ito sa pamamagitan ng kanilang flagship program, ang ‘Kakampi,’ na nangangahulugang Kalusugan at Kultura, Agrikultura, Kontra Katiwalian, Aktibong Serbisyo, Malinis at Maayos na Kapaligiran, Programang Pang-edukasyon at Pangkabuhayan, at Imprastraktura.

Mataas ang naging pagkilala ng Literacy Coordinating Council sa bayan ng Cuyo dahil pinatatatag nito ang bisyon na makilala at maisulong ang literacy hindi lamang sa kanilang bayan ngunit sa buong bansa.

Pinangunahan ng mga miyembro ng Board of Judges na kinabibilangan nina Ms. Aurea Jean A. Abad, Ms. Teresita D. Tetangco, at Ms. Ma. Cristina M. Gonzales, kasama ang LCC Secretariat personnel, Mr. Wilfredo A. Catangui at Ms. Marikka P. Mampusti, ang pagbisita sa bayan ng Cuyo nitong Hulyo 5-12 para sa pagsasagawa ng personal na panayam at diyalogo sa mga stakeholders nito.

Ang nominasyon para sa SAEL ay ibinibigay sa mga local government unit at non-government organization na idineklarang NLA Hall of Fame Awardees matapos tatlong beses na makamit ang unang pwesto para sa regular na patimpalak para sa NLA. Ngayong taon, kinilala ang bayan ng Cuyo sa Palawan bilang isa sa mga nominado kasama ng Balanga City, at SULADS Philippines ng Bukidnon.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Literacy Coordinating Council sa DepEd Regional Office, Local Government Unit ng Cuyo sa Palawan, DepEd Regional Office ng MIMAROPA, mga local stakeholders, at iba pang indibidwal na tumulong upang maging matagumpay ang aktibidad.

Share this article

Leave a Reply

Your email address will not be published.