Tatlong guro ng DepEd, kabilang sa nakatanggap ng Ulirang Guro sa Filipino 2022

Posted in News
October 6, 2022

Kabilang ang tatlong guro ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) mula sa pitong nakatanggap nitong Martes, Oktubre 4, ng Ulirang Guro sa Filipino 2022 na parangal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa kanilang makabuluhang ambag sa wikang Filipino at katutubong wika.

Kinilala sa isang birtuwal na pagpaparangal sina Dr. Alma T. Bautista ng Santos Ventura National High School, Rehiyon III; Bb. Gladys M. Jovellano ng Bagacay Elementary School, MIMAROPA; at Bb. Warren A. Norbete ng Butuan City SPED Center, Caraga, kasama ng iba pang mga guro sa Filipino sa higher education institutions.

Ang wikang Filipino at mga katutubong wika ay nagtataglay ng higit pang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng wika, matutulungan natin ang ating sarili na paniwalaan at pagkatiwalaan ang ating kakayahan upang pagtagpuin ang mga posibilidad at oportunidad, lalo na sa ating pagtuturo,” ani Dr. Bautista.

Kasalukuyang learning resources content writer, grammar and content evaluator sa Filipino, at manunulat ng kagamitang pangpagtuturo si Dr. Bautista sa SDO Mabalacat City. Nanilbihan din siya bilang awtor at ko-awtor ng pitong akademikong aklat sa Filipino at Edukasyon sa Pagpapakatao ng mga mag-aaral.

Ang natatanging karangalang ito ay sumasagisag sa mas mapanghamong gampanin, balikatan, at makabuluhan pakikipagugnayan sa mga kapuwa [nating] gurong nagsusulong ng wikang Filipino at wikang katutubo sa makabagong pagtuturo,” pagbabahagi naman ni Bb. Norberte sa kanyang talumpati ng kahulugan ng nasabing parangal.

Kinilala si Bb. Norberte, isang guro sa Filipino sa elementarya mula SDO Butuan City, sa mga nasimulang proyekto sa pagpapahusay sa antas at kakayahan sa ng pagbabasa ng mga mag-aaral, lalo na ang struggling readers, at ang pagbuo ng kagamitang pampagtuturo at kagamitan sa pagbasa sa kanilang paaralan.

Pinahalagahan naman sa kontribusyon ni Bb. Jovellano, guro sa unang baitang mula SDO Romblon, ang kanyang saliksik na nakatulong sa mga magulang na maturuan ang mga bata sa kanilang unang hakbang sa pagbabasa kahit sila ay nasa bahay at walang kaharap na guro.

Palagi po nating balikan kung saan tayo nagsimula. Kung alam po natin kung saan tayo nagsimula, hindi po tayo maliligaw. Hindi po tayo mawawala. Kagaya po ito sa paggamit at pagtuturo ng wikang Filipino. Lagi po nating piliing ituro at gamitin ang ating sariling wika bago po tayo magpakadalubhasa sa mga banyagang salita,” wika ni Bb. Jovellano.

Samantala, pinuri ni Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon Sara Z. Duterte ang mga ginawaran ng parangal, at pinasalamatan ang Komisyon sa pagkilala ng kontribusyon ng mga guro sa paggamit ng wikang Filipino.

Ang mga awardee ng Ulirang Guro sa Filipino sa taong ito ay nagpakita ng mga katangian at malaking impluwensiya sa ating mga mag-aaral na magkaroon ng pagpapahalaga, kumpiyansa, at kakayahang magsalita at magsulat nang maayos sa wikang Filipino.”

Share this article

Leave a Reply

Your email address will not be published.