Pagbabalik-tanaw sa mga naramdaman at pinagdaanan sa panahon ng mapanubok na krisis ng pandemya gamit ang apat na bantas ang naging paksa ng sanaysay ni John Clarence “Klara” Espedido ng Bulusan National High School sa dibisyon ng Sorsogon, Bicol. Ang akda niyang pinamagatang “Mga Bantas ang Nagsilbi kong Guro” ang kinilalang 3rd Prize sa kategoryang Kabataang Sanaysay sa 70th Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
“Isang patunay kung gaano kalaki at kalayo ang ating mararating kung sisimulan nating baybayin ang daan ng tibay ng loob at tiwala sa sarili. Hindi ko po inasahang manalo at mabigyan ng pagkakataong maging isang Palanca Awardee,” ani Klara, Grade 12 Humanities and Social Sciences Student matapos masungkit ang prestihiyosong pagkilala.
“Ngunit dahil likas na sa akin ang kaisipang hindi ko rapat pinalalampas ang mga oportunidad, anuman ang maging dulot nito sa huli, nagawa kong sumubok na sumali. Naniwala ako sa aking kakayahan. At ito ang naging bunga,” dagdag ni Klara.
Ayon kay Klara, ginamit niya ang apat na mga bantas (tuldok, tutuldok-kuwit, tandang-pananong, at tandang padamdam) kabuhol ang kanilang mga gamit sa pangungusap upang bigyang-diin ang kanyang mga napagtanto at napulot na mga aral sa paggamit ng nasabing mga bantas sa araw-araw. Aniya, nagsilbing kaagapay ang mga nasabing simbolo sa gitna ng mga hamong kinakaharap sa pandemya.
Sa siyam na taong paggawa ng iba’t ibang akdang-pampanitikan, ibinahagi rin ng estudyante na ipinagmamalaki niya ang pagtataguyod ng karapatan at representasyon ng LGBTQIA+ Community sa panitikan. Dahil sa kapangyarihan ng panulat at titik na mangmulat at mang-angat, ginawa rin niya itong daan upang ipakilala sa mundo ang kanilang karanasan at pagpupunyagi.
“Naniniwala akong ang tanging daan upang malaman ng mundo ang ating karanasan ay ang paglalahad ng mga ito, sa kahit anong maiisip nating paraan. Sa larangan ng panitikan, mahalaga ang representasyon ng LGBTQIA+ upang mabatid ng mga taong kami rin ay nabubuhay nang normal habang isinasaalang-alang ang aming mga ipinaglalaban,” wika ni Klara.
The Palanca Winning Piece of John Clarence ‘Klara’ D. Espedido entitled “MGA BANTAS ANG NAGSILBI KONG GURO”. This personal essay won third prize in the ‘Kabataan Sanaysay’ category of the 70th Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature
MGA BANTAS ANG NAGSILBI KONG GURO
Maaga akong minulat ng buhay sa realidad. Mula nang unang nasira ang paborito kong manika kahit na iningat-ingatan ko iyon nang lubusan: nang mag-expire at naging maasim ang kendi na pinagsumikapan ko sanang itabi upang umabot nang tatlong buwan: at nang mamatay si Papa noong ako ay pitong taong gulang kahit nangako siyang hindi niya ako iwan – alam kong lahat ng bagay ay dumarating sa wakas.
Mula elementarya. hinubog na ang aking pahat na isip sa mga kaalamang ipinunla sa akin ng bawat pag-indayog sa hiwaga ng edukasyon. Naaalala ko noong ako ay tumuntong sa ika-apat na baitang. Isa sa aming mga naging talakayan ay ang iba’t ibang bantas – kung ano ang kahulugan ng mga ito at kung paano ito wastong ginagamit sa pangungusap. Ang tuldok, kadalasan daw itong ginagamit sa hulihan ng pangungusap. Sa mga pangungusap na paturol o pautos. ito raw dapat ang inilalagay. Ang tutuldok-kuwit, hudyat naman ng pagwawakas ng isang pangungusap na kaagad susundan ng isa pang sugnay. Ang tandang-pananong, sa pagtatanong. Ang tandang padamdam, sa pagpapahayag ng emosyon.
Ang konseptong ito ay isinukbit ko sa aking balikat upang magsilbi kong kasama saan man ako dal’hin ng mga paa kong mapagtuklas. Ngunit ang hindi ko inasahan darating pala ang panahong hindi na guro ang magtuturo sa akin. Hindi na silid-aralan ang lugar kung saan ako matututo. Nakapagtatampo lamang na may aralin sa mga bantas ang hindi naituro ni Gng. Ruby. Dahil makalipas ang walong taon, saka ko lamang nalaman kung paanong konektado ang bawat tuldok, ang bawat tutuldok-kuwit, ang bawat tandang pananong at padamdam sa buhay.
Noong unang beses na narinig ko ang terminolohiyang “Covid-19”. Marso iyon, taong 2020. hindi kaagad ako naniwala. Ang una kong bulalas: Gawa-gawa lang ‘yan ng medya! Kagaya ng aking mga kaklase, na noo’y abala sa paparating na kompetisyon sa Festival Dance, hindi rin ako nangamba. Tuloy ang buhay, walang makapipigil.