Bilang bahagi ng pagsisikap upang itaguyod ang minimum public health standards at COVID-19 vaccination, higit pang pinaigting ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang kampanya sa BIDA Kid at PinasLakas upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa pagbabalik ng face to face classes.
Sa isang webinar na pinangasiwaan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) na pinamagatang “Sa Booster: PinasLakas na BIDA Kid,” binigyang diin ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa ang information drive ng Kagawaran sa implementasyon ng 3Bs: Bakuna (Vaccination), Bayanihan (Solidarity) at BIDA behaviors—Best friend natin ang masks, Ingatan at hugasan ang kamay, Dumistansya upang makaiwas sa sakit, Airflow ay panatilihin (Wear masks, observe handwashing and social distancing to avoid getting sick, and maintain room airflow).
“It won’t stop with the opening of classes,” ani Atty. Poa bilang pagtitiyak sa publiko, lalo na sa mga magulang. “Tuluy-tuloy po nating mino-monitor ang situation sa bawat paaralan, because each school is unique. Buong school year po ‘to, especially during the transition period, we will be monitoring our schools para makita at matukoy natin na strictly enforced ang ating minimum public health standards.”
Nabanggit din ni Dr. Alfonso Miguel Regala, division chief ng Health Promotion Bureau ng DOH ang PinasLakas, ang mas pinaigting at mas pinalawak na nationwide booster vaccination campaign. Sa pamamagitan nito, magtatayo ng mga vaccination site sa mga areas of convergence tulad ng malls, palengke, simbahan, at paaralan upang mas maging madali ang pagpapabakuna sa lahat.
Bagaman mas banayad ang epekto ng COVID-19 sa mga bata kumpara sa mga adult, mainam pa rin na magpabakuna at sumunod sa minimum public health standards upang bumaba ang tsansa na mahawa ng sakit, ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, isang eksperto sa pediatric infectious diseases.
Ibinahagi naman ni Warianne Torrente, campaign lead ng The Asian Parent, ang kahalagahan ng pagiging mabuting ehemplo ng mga magulang sa kanilang anak. “Health is a love language. Ipakita natin ang pagmamahal natin sa ating mga anak by protecting them and teaching them how to protect themselves,” aniya.
Nanawagan din si Atty. Poa sa lahat, maging sa mga magulang at media, na iulat ang mga paaralan na hindi sumusunod o nagpapatupad ng minimum public health standards nang sa gayon ay matukoy at maaksyunan ng Kagawaran sa lalong madaling panahon.
“The goal is to bring our learners back to school, kasi nga maraming nahirapan nung two years ng pandemya,” dagdag niya. “Now, sa pagbabalik-eskwela po natin, again, I want to reiterate, hindi po perpekto ang mangyari kasi taun-taon talagang may problema. We know there will be challenges, but we are up to the challenge.”